Ang Mundo at ang Palabas [FILIPINO]
MAKIALAM (pandiwa)
Sumangkot o makisangkot sa isang gawain o usapin.
Galing sa ugat na:
ALAM (pangngalan)
Pagkakaunawa o pagkakaron ng kamalayan tungkol sa isang bagay.
Ang ating pang araw-araw na buhay ay pinakikialaman ng mga tao at interes na di tugma sa atin. Gubyerno. Boss mo sa trabaho. Yung mga admin ng socmed site na bina-ban yung mga meme page na nagpapapawi ng bahagya sa bigat ng pang araw-araw na kayod. Karamihan sa mga to, di 'rektang nakaka-apekto sa atin. Pero, gawa nga ng mundong lumiliit araw-araw buhat ng online at ng pagsasa-presyo ng lahat ng pangangailangan natin para mabuhay, ramdam pa rin natin yun.
Nabanggit ko mga ilang linggo na sa mga kaibigan ko na di pala mahabang panahon ang isang dekada. Alam mo bang magbebente-singkong taon na pala ang Fushigi Yuugi?? Tangina. Ang tanda na natin, pero ang mundong kinalakihan natin, wala atang pinag-katandaan.
Sabi nga nila “All the world's a stage”, at kung ganun, anong klaseng show kaya ang nasa takilya ng kasalukuyan ngayon?
Climate Change.
Pagpasok na naman ng America sa bagong giyera.
Paglaganap ng mga epidemya.
Pagbili ng China sa ating gubyerno.
Pag-taas ng presyo ng bigas at pamasahe sa bus, tren at jeep.
atbp.
Di ata magandang ending ang kahahantungan nito.
Pero... “All the world's a stage”. May ganap din tayo.
Ang mga nagpapatakbo ng basurang palabas na tong tinatawag nating mundo ay nasa kapangyarihan lang dahil sinusunod natin ang mga role, mga ganap na bigay nila sa atin. Mga ganap na sila ang ginagawang bida sa buhay natin, kilala man natin sila o hinde. Kung nagtatrabaho ka para mabuhay, Sino ang nagdidikta ng kung anong oras ang gising mo araw-araw? Yung schedule mo buong linggo?
Sino naman ang nagpapatakbo ng mga lansangan na dinadaanan ng jeep na sinasakyan mo? Ng mga riles ng tren na pinagsisik-sikan mo ang sarili mong makapasok? Ng kuryenteng pan-charge ng phone mo? Ng tubig-gripong nawawala-wala araw-araw?
Mamamayan. Empleyado. Kostumer. Mga iba't-ibang ganap, mga iba't-ibang uri ng kontrol.
Mga extra lang tayo sa isang higanteng palabas na sila lang ang bida. Sila lang ang nakikinabang. Sila lang ang matatandaan ng kasaysayan, at hanggang numero lang sa Census ang bilang natin. Minsan kahit yun, wala pa.
Kung isang higanteng palabas ang mundo, agawin natin ang show. Ngayon palang, kita na natin na di maganda ang ending ng palabas na to. Steal the show.
Agawin natin ang mundo.